Tinanong ko sa aking idol na kaibigan kung bakit napapagod ang tao. Ang sagot niya 'dahil lahat ay may limitasyon...'.
Kailan mo ba sasabihin na dapat maghinay-hinay muna? Kailan ba pwedeng sabihin na napapagod ka na?
Ma-pride akong tao. Aminado ako run. Madalas hindi ako titigil sa paggalaw hangga't alam kong kaya ko pa. Madalas gawa pa rin ako ng gawa kahit na wala na rin namang mapupuntahan. Madalas, napapagod na ako pero di pa rin nagpapahinga.
Gusto ko lang malaman kung kailan pwedeng tumigil. Yung sa pagtigil ko, hindi ako nakakahiya. Yung hindi ko mararamdaman na hindi ko naibigay ang lahat ng makakaya ko. Yung katanggap-tanggap na pagsuko.
Baka sakaling kapag nalaman ko na kung kailan na iyon, maaari na akong makapagpahinga. At sana'y maging masaya.